Overseas Jobs, Jobs Abroad, Pinoys Abroad
Feed Burner
Twitter

Archive for the ‘Guest Blog Posts’ Category

Jul
28
2014

STORY OF AN ILLEGAL RECRUITMENT VICTIM IN TAIWAN

Posted by:

Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga taong walang trabaho dito sa Pilipinas, at dahil sa mas mataas na sahod para sa mga manggagawa sa ibang bansa, napipilitan ang karamihan sa mga Pilipino na maging isang Overseas Contract Worker o OFW.

Maswerte ka kung ikaw ay nakapagtapos sa kolehiyo at may magandang educational background, siguradong maganda rin ang magiging trabaho mo sa ibang bansa. Pero sa iba na katulad ko, kadalasan ay nagiging domestic helper o DH, o kaya naman ay factory worker.

Sa kondisyong ito, marami ang hindi nahihiya na gumawa ng mga iligal na bagay sa ibang tao. Nandyan ang mga illegal recruiters at pati na rin ang mga illegal recruitment agencies kaya naman madami ang naloloko dahil sa pagnanais na makapagtrabaho.

Kahit nasa ibang bansa ka na, may pagkakataon pa rin na malilinlang ka ng ibang tao, lalo na kung gusto mong lumipat ng ibang kumpanya o ibang bansa na sa tingin mo ay magiging dahilan ng mas mabilis mong pag-unlad.

Gusto kong ibahagi sa kapwa ko Pilipino ang naging karanasan ko dito sa Taiwan.

Dahil po sa paghahangad ko na magpunta ng Canada para sa mas magandang buhay, tinulungan po ako ng isang agent dito na nagngangalang Jenny Chiu. May computer shop po sila sa tabi ng dorm namin. Matagal na po namin silang kilala kaya agad kaming nagtiwala. Hindi namin alam na pang-front nila ng asawa niyang Taiwanese ang computer shop na iyon. Sabi nya, mga four to six months lang daw po ang processing fee, ang kailangan lang daw po ay pera. Nagbigay po ako ng 6000T dollar na pang processing feee daw po. Tapos after a week ay magbigay na daw ako ng pang down. May ibinigay siyang pangalan at address sa Canada para doon ko ipadala ang pera.

Images send by the victim

October ng taong 2012 po ay nagpadala ako sa isang Lolita Casiano ng 65000nt na ang katumbas po ay $2000 dahil po gusto ko ng umalis. Pagkaraan po ng limang buwan ay may tumawag sa akin na Susan Huang at ang sabi po nya ay siya na daw po ang magpa-process ng papers ko dahil ipinasa ako sa kanya ni Jenny Chiu. Nasa Canada po sya at isa ring agent. Umabot po ng anim na buwan, wala pa ring balita. Kay Huang na po ako nagpa-follow up. Noong Agosto ng nakaraang taon, marami na po silang sinasabing alibi sa’ken. Na over age na daw po ako at gusto daw po ng employer ay married na. Umabot po ng isang taon eh sila pa ang nagalit sa’ken at huwag daw akong makulit dahil ako na nga daw po ang tinutulungan nila. Nagturuan na po sina Chiu at Huang sa kung sino ang dapat kong kausapin tungkol sa application ko papuntang Canada.

Hanggang sa hindi ko na po sila ma-contact. Na-delete na po ako as Facebook friends nila, yung viber po nila eh wala na pati na rin po yung mga contact numbers nila na meron ako. Kahit po sa computer shop nila ay hindi na ako pinapapasok, at minsan pa nga po ay dalawang oras akong pinaghintay sa labas ng asawang Taiwanese ni Jenny. Hindi ko na po alam kung sino ang hahagilapin ko kina Chiu at Huang, at kahit nga po yung Lolita Casiano hindi na ako sigurado kung may ganoon ngang tao.

Nang magpunta po ako sa Manila and Economic Cultural Office (MECO) sa Taichung, doon ko po nalaman na meron pang labindalawang tao na naging biktima rin ng kasong katulad sa akin. Hanggang ngayon ay wala po akong balita tungkol sa development ng kasong ito o kung nahagilap na si Jenny Chiu na ang sabi ay nasa Pilipinas na daw po. Pero nabalitaan ko po na patuloy pa rin ang kanilang operasyon at pagtanggap ng mga aplikante na papuntang Canada.

Ibinahagi ko ang kwento ng karanasan kong ito dahil gusto kong magsilbi itong babala at aral sa iba pang OFW na dapat palaging maging maingat at huwag basta magtitiwala lalo na sa mga ganitong tao. Mas maganda pa rin pong dumaan tayo sa tamang proseso, kahit pa po matagalan, kesa naman po mapunta ang ating pinaghirapan na ipambayad sa wala.

If you like this post, you may also want to subscribe to our RSS feed to be updated on job opportunities for  OFWs and news concerning OFWs.
You can also follow us on Facebook and Twitter.
Apr
9
2014

POEA Mobile App Laban sa Illegal Recruiters

Posted by:
POEA Mobile App may be found at Google Play Store and IOS.  This may be downloaded for free.

POEA Mobile App may be found at Google Play Store and IOS. This may be downloaded for free.

 

Make some noise! Ang smartphone application para sa mga Pinoy upang makaiwas sa illegal recruiters ay narito na!

Ilang linggo na rin ang lumipas nang i-launch ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA ang kanilang mobile application na sadyang malaki ang tulong upang mailayo ang mga Pilipino mula sa mapanamantalang illegal recruiters.

Hindi maikakailang maraming Pilipino ang handang kumagat sa pagkakataong makapagtrabaho sa ibayong-dagat sa paniniwalang andun ang lalagot sa kabanat ng kahirapan ng buhay.

Mabuti na lang naisipang sumabay ng POEA sa alon ng makabagong teknolohiya. Sa tinagal-tagal ng panahon ng paggamit natin ng cellphone, ito at may makabuluhang application na. Madadagdagan na ang silbi ng cellphone natin bukod sa maghapunang pagso-social media at pagtitext.

Sa pamamagitan ng POEA mobile app, maari nating i-check ang kasalukuyang status ng lisensya ng recruitment agency sa mismong sandaling kausap natin sila. Gayundin, kung may job order ba o wala ang trabahong iniaalok nila sa atin.

At kung mapadpad man tayo sa mall o saan mang establishment na may free wifi, mas mainam pang basahin natin ang mga articles sa mobile app para malaman natin kung paano makakaiwas, kung ano ang modus operandi ng mga illegal recruiters at kung paano at saang POEA office tayo maaring dumulog.

Sa panahon ngayon, madali nang maging matalino. Impormasyon na ang lumalapit, naghihintay na lang na pansinin natin.

At oo nga pala, may isa pang silbi ang POEA Mobile App. I-click mo lang ang logo ng developer nito, ang WorkAbroad.ph at maari ka nang mag-hanap at mag-apply ng trabaho sa bansang gusto mo.

Whew! Ka-simple lang, hane? Libre pa! Kung Android phone ang gamit mo, i-download mo ang mobile app sa Google Play Store at sa IOS naman kung iPhone ang iyong gamit. Syempre pwede din ito sa tablets at iPads.

– by Ikai

If you like this post, you may also want to subscribe to our RSS feed to be updated on job opportunities for  OFWs and news concerning OFWs.
You can also follow us on Facebook and Twitter.
Apr
7
2014

Kapwa mo na, niloloko ka pa!

Posted by:
Ang pagiging OFW ay hindi madaling bagay. Alam niyo ba kung bakit? Kasi sa application pa lang inaagrabyado na tayo. Naranasan ko din naman mag-apply sa mga trabaho sa Pinas, pero mas malala ang proseso ng pag-a-apply kapag sa abroad mo gusto magtrabaho. Biruin mo kapwa Pinoy mo na ginugulangan ka pa?

Andami ko nang agency na napuntahan, may mga matino naman. Talagang may trabaho na naghihintay para sa iyo. Sadyang may iba lang talaga na mas makapal pa sa balat ng buwaya ang kapal ng balat dahil magulang kung maningil! Naniningil ng placement fee na sobra sa dapat na placement fee talaga. Hingan ba naman ako ng 125 thousand pesos para sa trabahong pipefitter?! Buti na lang nagtanong tanong ako, tsaka nagresearch din sa internet, ayun nalaman ko na dapat one month salary lang ang katumbas ng placement fee. Naranasan ko pa hinold yung passport ko nung nagtry ako magbackout. Ibang agency naman. Alam kasi nitong mga agency na ito na kikita sila sa akin kaya bakit sila papayag na i-pull out ko mga papel ko?

Mga Pinoy naman ang empleyado sa agency pero pineperahan ka din, tama ba naman yun?

Kaya mga kapwa ko nagbabalak mag-OFW, maging mautak kayo. Huwag oo lang ng oo sa sasabihin ng agency. Bago sumuong sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa, alamin ang mga bagay na may kinalaman sa paghahanap ng trabaho overseas, saan ba pwede mag-apply? ano ang mga agency? Bakit siningil ako ng agency ng ganito, ganyan. Marunong ka mag-internet? Masasagot lahat yan kung gagamitin mo internet ng maayos. Huwag lang puro facebook, hindi lang jan makakakuha ng sagot.

Huwag rin natin isawalang-bahala ang mga announcement ng gobyerno. Medyo may pagkabulok ang gobyerno ng Pinas pero kahit paano naman maniwala pa din tayo na may tama silang ginagawa para sa atin. POEA yan talagang para sa mga OFW yan. OWWA kapag nagka-luko-loko ka naman sa ibang bansa. NLRC at POEA kapag may reklamo ka sa agency o employer mo. Dapat alam mo yan kabayan. Sa panahon kasi ngayon hindi na pwedeng tatanga-tanga, or else sa huli ikaw din ang mabibiktima.

Contributed by EP

If you like this post, you may also want to subscribe to our RSS feed to be updated on job opportunities for  OFWs and news concerning OFWs.
You can also follow us on Facebook and Twitter.
Published in: Guest Blog Posts
Apr
3
2014

Ako at ang Saudi

Posted by:

OFW ako. Engineer. Sampung taon na. Dalawang taon sa Qatar, walong taon sa Saudi. Hanggang ngayon nandito pa din ako. Ilang sandstorm na ang lumipas, ilang Ramadan na ang nagdaan. Pero okay naman. Eto, nakaka-survive. Malayo sa pamilya. Pero ika nga ng Maynilad, kaunting pasensya lang, dadaloy din ang ginhawa.

Nung unang salta ko dito sa Saudi, aaminin ko, oo na-culture shock ako. Yung pakiramdam na napunta ka sa ibang dimensyon ng mundo. Ano ba naman malay ko, eh sa mapa ko lang nakikita ang Saudi noon; malay ko ba namang makakaapak ako ngayon. Sabi nila madami daw camels dito. Yun ang unang inabangan ko dito, eh kala ko ba disyerto to? Eh dinaig pa yata ang Makati sa gaganda ng mga building! Sabi nila matutusta ka daw sa Saudi, kasi nga disyerto, walang puno, waiting shed; puro kaktus at mumunting tubigan lang. Pero iba ang nakita ko. Isang bansang may asenso.

Unang salta ko sa Saudi. Maalam naman ako sa Ingles, kampante ako dun. Naka-dalawang taon na ako sa Qatar, so sisiw na lang ang Inglisan dito sa Saudi. Pero na-nosebleed ako sa lenggwahe ng Arabo, grabe mapapalaban ako. Pero dahil flexible ang dila ng mga Pinoy, naka-adapt naman. Sa pagsulat ng Arabic napapraktis na din.

Sabi nila yayaman ka daw sa Saudi. Naalala ko nung bata ako kapag ang tao may suot na makakapal na gintong alahas, ang laging dialogue “iba talaga pag nakapag-Saudi”. Grabe pala ginto dito! Gasolina? Walang problema, sagana sila dito. Yun nga lang kung anong mura ng ginto at petrolyo, yun namang mahal ng tubig. Di katulad sa Pinas, hanap ka lang ng poso, wantusawa na.

Taon-taon nagtyatyaga ako. Okay naman ako sa sahod, worth it dahil hindi kulang para may matira sa akin at may maipadala. Strikto sila dito sa Saudi, kaya ang mga luho naiiwasan. May naiwan akong asawa at anak sa Pinas, pero dahil ang mga babae dito sa Saudi ay kadalasang balot na balot, malayo ako sa temptasyon. I love you Ma!

Makikita sa balita na laging negatibo ang balita tungkol sa Saudi. Pero kung tutuusin, para sa akin, pakiramdam ko mas ligtas pa ako dito kesa dyan sa Pinas. Bihira ang krimen dito, lintik naman kasi ang parusa! Yun nga lang, meron talagang mga pang-aabuso. Lalo sa mga domestic worker. Mababa kasi ang tingin sa kanila eh. Ang hirap sa loob lalo kapag kababayan mo yung nababalitaan mong nagawan ng abuso. Yung iba naman, malakas talaga loob. Pati kagaguhan dinala dito, hindi natakot sa parusang pugot-ulo o death penalty. Kaya ikaw na nagbabasa nito, kung balak mo sa Saudi, sumunod ka lang sa batas, wag gagawa ng katarantaduhan. Kung lalabas ka, dalin mo ang iqama mo, basic lang yan pero ambigat ng parusa kapag hindi mo nagawa.

8 years and counting. Gaano pa kaya ako katagal dito? 2 more years para sarado isang dekada? O mag-stay sa lupa ng mga Arabo hanggang sa kaya?

Contributed post by JT

If you like this post, you may also want to subscribe to our RSS feed to be updated on job opportunities for  OFWs and news concerning OFWs.
You can also follow us on Facebook and Twitter.
Published in: Guest Blog Posts
Feb
20
2014

Hard-working OFW, Share Your Story With Us

Posted by:

Calling overseas Filipino workers (OFWs) from all parts of the globe, do you have a story or photo you wish to share? We would be happy to publish it here. You can also be featured in our Facebook page with over 300,000 fans.

This invitation is also open to Filipino/ OFW groups or organizations who wish to promote their upcoming events or advocacies.

We would also welcome stories or press releases for publication.

We want to help OFWs and OFW organizations reach more audience so send us your event, stories and photos by sending us a note at editor@quantumx.com.

If you like this post, you may also want to subscribe to our RSS feed to be updated on job opportunities for  OFWs and news concerning OFWs.
You can also follow us on Facebook and Twitter.
Published in: Guest Blog Posts, OFW Stories


Overseas Jobs - OFW Guide - Seaman Jobs - Nursing Guide